Saturday, November 15, 2008

Student

Kanina… Nakita ko si Mrs. Marilyn Carson na teacher namin sa Chemistry nung third year. Parang telenovela yung nangyari. Huminto ako sa gitna na corridor sa SM Manila, tinitigan ko siya, hinawakan ko ang kasama ko sa braso, wala akong makita kundi si Mrs. Carson lang… Siya nga… Biglang nag-flash sa utak ko ang pagiging estudyante.

Fifteen years na akong estudyante. College student. Minsan naging high school, anim na taon sa grade school, dumaan sa pre-school at nalilito pa rin kung alin sa kinder at nursery ang nauna. Tipikal akong estudyante…tipikal na tamad na estudyante. Yung tipo na laging new year’s resolution ang “Mag-aaral na akong mabuti.” Natatandaan ko pa ang mga panahon na kinakaladkad ako ng tita ko papuntang banyo para maligo na ako. Natatandaan ko rin ang mga paulit-ulit na tanong sa akin ni mommy na, “Papasok ka ba?” sa bawat umagang tinatamad ako. Hindi naman ako yung hardcore na tamad, may pangarap ako sa buhay…at minsan natuwa akong tingnan na lang ang pangarap ko at mag-daydream na para bang totoo ang lahat.

Hindi ako yung tipo nang batang bibo na sinasakal ang sarili sa dami nang medals. May medals ako pero wala akong medal para sa “Best in Science,” ‘Best in Math” at “Best in English.” May nakuha naman akong “Best in Writing” medal nung pre-school ako. Nung high school naman tatlo ang nakuha ko. Yung isa dahil nag-second place kami sa quiz bee, yung isa naman dahil perfect attendance ako sa buong high school life ko at ang pangatlo ay Duty Award sa CAT (dahil din yan sa perfect attendance ako sa CAT).

Hindi ako nag-graduate with flying colors. Hindi ko man lang nakuha yung Special Citation na gusto ko nung graduation dahil hindi umabot sa 93 ang average ko. Mula sa pinakamataas na naabot ko na top 14 sa buong batch namin, bumagsak ang standing ko sa top 30+. Hindi ko rin nakuha yung isa pang award sa CAT na binibigay lang sa officers na may mataas na grade sa CAT.

Tulad nang ibang estudyante natutulog din ako sa klase. Mahirap makalimutan ang teacher namin na si Ms. Juvi na nagtuturo ng Calculus kasi tinulugan ko ang klase niya. Hindi yung tipong nakatulala o pumikit lang…define natulog…ayun ang ginawa ko sa subject niya. Paggising ko dini-dismiss na niya ang klase namin. Pero isa sa mga bagay kung bakit lagi kong kinu-kwento ito dahil nagpaalam ako sa kanya na tutulugan ko ang klase niya.

Hay… Student life…